
Kinastigo ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Sen. Erwin Tulfo si Maria Cristina Roque dahil sa hindi pagdalo nito sa pagdinig ng komite.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) at si Roque ay inimbitahan sa hearing hinggil sa pinag-uusapang treaty sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia.
Ayon kay Tulfo, isang pambabastos ang ginawa ni Roque at kailangan nitong magbigay ng maayos na paliwanag upang hindi siya ipa-subpoena ng komite.
Hindi rin nagustuhan ng senador ang tugon umano ni Roque na hindi kabahagi ang DTI sa usapin ng double taxation kaya hindi ito dumalo.
Nagalit si Tulfo dahil aniya ay tila nagdesisyon na si Roque para sa komite.
Interesado sana ang mambabatas na makakuha ng impormasyon mula sa DTI, lalo na’t nasa ilalim nito ang Board of Investments (BOI), kabilang na kung ilang Cambodian ang may investment sa Pilipinas at kung ilang Pilipino naman ang may investment sa Cambodia.










