Tinawag ni Senator Pia Cayetano na diskriminasyon ang pagpapasuot sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) ng naka-full PPEs at may face shield pa paalis ng bansa.
Sa sesyon ng Senado ay kinwestyon ni Cayetano ang nasaksihan niya kamakailan sa airport na mga OFWs na paalis ng bansa nakasuot ng full personal protective equipment (PPE) na parang nasa operating room at may face shield pa.
Ipinakita ni Cayetano ang larawang nakuha niya sa airport pero dahil sa nagmamadali ito ay hindi na niya nakuhang makausap ang mga paalis na OFWs.
Duda ang senadora na pilit pinagsusuot ang mga OFW ng full PPEs hanggang ngayon sa posibilidad na may nakikinabang dito.
Agad na nakipag-ugnayan si Cayetano kay Migrant Workers Sec. Toots Ople ukol dito at napag-alamang hindi ito requirement ng Deparment of Migrant Workers (DMW) o kahit ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Nag-aalala aniya ang kalihim na posibleng pinagkakaperahan ang mga OFW.