
Dismayado si Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairman Erwin Tulfo sa kabiguan ng PhilHealth na makapagbigay ng libreng wheelchairs, eyeglasses, hearing aids at iba pang mobility devices para sa mga senior citizens.
Napag-alaman sa pagdinig ng komite na hindi pa natatanggap ng mga senior citizens ang mga wheelchairs sa kabila ng bahagi ito ng benefit package ng PhilHealth habang ang mga antipara o eyeglasses at hearing devices naman ay hindi pa pala sakop ng state health insurer.
Iginiit ni Tulfo na dapat ay naibibigay ang benepisyong ito sa mga senior citizens at hindi sapat na sabihing nakakatanggap naman ang mga matatanda ng social pension dahil ito ay inilalaan naman nila sa araw-araw na gastusin katulad ng pagkain.
Direktang ipinaabot ni Tulfo sa pamunuan ng PhilHealth na hindi siya masaya sa mga “false promises” nito dahil noong nakaraang taon lamang ay sinabi na nilang magiging available ang prescription ng eyeglasses sa mga senior citizens.
Pinahaharap ng senador sa susunod na pagdinig si PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado at inaasahan niyang may ibibigay na kongkretong aksyon ang PhilHealth sa nasabing isyu.









