Kinatigan ni Senator Lito Lapid ang mga inilatag na programa ng gobyerno kontra El Niño na posibleng umabot hanggang Agosto.
Ayon kay Lapid, agad na tinugunan ng gobyerno ang patuloy na epekto ng matinding tag-init dahil natiyak ang sapat na suplay ng pagkain at naibsan ang pinsala sa lokal na ekonomiya.
Tinukoy ng senador ang tulong-pangkabuhayan na naibigay ng gobyerno sa mga apektadong magsasaka at mangingisda tulad ng ₱1.4 bilyon na pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga proyektong pang-agrikultura.
Suportado rin ni Lapid ang pagtugon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kontra sa epekto ng El Niño.
Kabilang na rito ang cloud-seeding, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng irrigation canals, pamamahagi ng mga alagang hayop, paggamit ng low-water use technology at iba pang tulong pangkabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda.