
Naniniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na napapanahon na para marinig sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang kanilang pananaw para sa pambansang pondo.
Kaugnay na rin ito sa suhestyon ni Senate President Chiz Escudero kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na isama sa budget hearings ang mga local chief executives lalo’t sila ang nagpapatupad ng mga proyektong nakapaloob sa national budget.
Ayon kay Villanueva, suportado niya ang mungkahi ni Escudero at sa kanyang tingin ay napapanahon na para marinig mismo sa mga lokal na opisyal ang tunay na pangangailangan sa kanilang mga lugar.
Naunang sinabi ni Escudero na marami sa mga proyektong nakapaloob sa pambansang budget ay hindi dumaan sa konsultasyon ng mga local chief executives.
Bukod sa mga LGU officials, isinusulong naman ni Villanueva ang Senate Bill 537 o ang “People’s Participation in the National Budget bill” na layong bigyan ng aktibong partisipasyon sa proseso ng budget ang mga Civil Society Organizations (CSO).
Umaasa ang mambabatas na magiging daan ito para sa mas transparent at accountable programs para sa mga kababayan.









