Senador, suportado ang pagsusulong ng Kamara ng sariling bersyon ng wage hike

Suportado ni Senator Chiz Escudero ang hakbang ng Kamara na mag-apruba ng sariling bersyon ng panukalang dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners.

Ito ay kahit pa magkaiba ang isinusulong ng dalawang kapulungan ng Kongreso kung saan sa Senado ay unang naipasa na ang ₱100 na dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor habang ₱350 naman ang dagdag na sweldong gustong itulak sa Kamara.

Ayon kay Escudero, masaya siya dahil sa kabila ng mga nangyaring pagtatalo ng mga senador at kongresista sa Constitutional amendments, ngayon ay parehong nagpakita ang Senado at Kamara ng commitment na umusad na sa ibang mga bagay tulad ng pagpapasa ng mga panukala.


Naniniwala si Escudero na kahit pa may mga hindi pagkakasundo sa ilang mga bagay ang Senado at Kamara, marami pa rin namang mga bagay ang napagkakasunduan at magkasamang pagtatrabahuan ng Kongreso.

Dagdag pa ng senador, ang mga bagay na makapagpapabuklod ay susi sa paghilom at muling pagkakaisa hindi lamang sa dalawang kapulungan ng Kongreso kundi sa buong bansa.

Facebook Comments