Senador, suportado na bawian habambuhay ang mga masasangkot sa road rage

Pabor si Senator Erwin Tulfo sa rekomendasyon ng Land Transportation Office (LTO) na habambuhay na bawiin ang driver’s license ng mga sangkot sa road rage.

Ito ang naging suhestyon ni LTO Chief Atty. Markus Lacanilao matapos ang magkasunod na road rage incidents kamakailan sa Tarlac at sa Laguna.

Ayon kay Sen. Erwin, tama lang na hindi na payagan kahit kailan ang mga driver na sangkot sa pagwawala sa lansangan lalo na kung ito’y nakapanakit o nakasira ng isang bagay.

Kapag aniya hindi binawi ang pribilehiyong makapagmaneho ng sasakyan mula sa isang road rage driver, may tsansang uulitin lang nito ang pagwawala sa lansangan lalo na kung ito ay armado pa o mataon na may katungkulan.

Isinusulong din ni Sen. Erwin ang isang panukalang batas na magpaparusa sa mga road rage drivers kung saan ang sinumang mapatunayang sangkot sa road rage ay mahaharap sa pagkakabilanggo at pagsuspindi sa lisensya habang buhay.

Facebook Comments