Wednesday, February 4, 2026

Senador, susuporta sa pagpapalit ng liderato ng Senado kung kaugnay ng impeachment laban kay VP Sara Duterte

Sinabi ni Senator Robinhood Padilla na magiging interesado lamang siya sa pagpapalit ng liderato ng Senado kung papasok na sa usapin ang impeachment.

Ayon kay Padilla, sa kasalukuyan ay wala pa siyang nakikitang sapat na dahilan upang palitan ang liderato ng Senado, maliban na lamang kung may kinalaman ito sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Inamin ng senador na siya ay maka-“Inday” at mariin niyang tinututulan ang anumang hakbang para sa impeachment ng Bise Presidente.

Dagdag pa ni Padilla, mas nais niyang magmula sa minority bloc ang susunod na Senate President, basta’t ito ay supportive kay VP Sara.

Aniya, hindi na rin bago ang mga tsismis hinggil sa umano’y kudeta sa liderato ng Senado at palagi itong lumilitaw sa tuwing may sensitibong isyu.

Matatandaang kinumpirma ni Senate President Tito Sotto III na sinabi sa kanya ni Senator Loren Legarda na may lumapit sa kanya upang alukin ng posisyon bilang Senate President, ngunit agad niya itong tinanggihan.

Facebook Comments