Senador, tinabla ang katwiran ng DOE na dahil sa mataas na heat index kaya may mga unplanned shutdown ng power plants

Photo courtesy: Sen. Chiz Escudero FB page

Kinontra ni Senator Chiz Escudero ang paliwanag ng Department of Energy (DOE) na dahil sa mataas na heat index at temperatura dulot ng El Niño kaya pumapalya at nagkakaroon ng ‘unplanned’ shutdown ang power plants.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni DOE Usec. Rowena Guevarra na dahil sa mataas na heat index kaya apektado ang power plant operations na nagiging sanhi ng blackout o brownout sa ilang mga lalawigan.

Pero, tinabla ni Escudero ang katwiran ng DOE sabay giit na hydro lang ang dapat na apektado ng matinding tag-init at hindi kasama rito ang coal, wind higit ang solar energy na sa init ng araw kumukuha ng enerhiya.


Naglabas din ng data si Escudero kung saan inilatag nito sa pagdinig na hindi ang init ng panahon ang may kasalanan sa mga nagaganap na shutdown ng planta.

Tinukoy ni Escudero ang taong 2020 kung saan hindi pa naman singtindi ng init ang panahon sa ngayon pero umabot sa 2,801 ang unplanned outages kung ikukumpara sa 93 na planned outages.

Giit pa ng mambabatas, mula pa noong 2020 ay 10 percent lang ang planned shutdown habang 90 percent ang unplanned shutdown o maintenance ng mga power plants kaya noon pa man aniya ay sadyang madalas na ang problema sa suplay ng kuryente.

Facebook Comments