Tinawag ni Senator Francis Tolentino na sinungaling ang China matapos na pagbintangan ang Pilipinas na sinisira ang mga coral reefs at resources sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa mga inilatag ng mga mangingisda na payao sa may Recto Bank.
Ang payao ay isang fishing device na ginagamit ng mga mangingisda para maka-attract o makahuli ng maraming isda.
Giit ni Tolentino, Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, kailan pa naging environment-friendly ang China dahil kung may sumisira man ng likas-yaman sa West Philippine Sea ito ay walang iba kundi ang China.
Wala aniyang karapatan ang China na sabihan ang Pilipinas na nakakasira sa kalikasan dahil mas maraming ginawang pagsira ang China.
Tinukoy ni Tolentino ang pagtatayo ng China ng airstrip sa Firey Cross at sa Mischief Reefs gayundin ang marine destruction ng mga Chinese militia vessels sa Sabina Shoal at Sandy Cay na nag-iwan ng pagkasira at discoloration ng mga corals.