Senador, tiniyak ang transparency at accountability sa mga pagsisiyasat tungkol sa pag-amyenda ng Konstitusyon

Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang commitment ng Senado para matiyak ang transparency at accountability sa mga kasalukuyang talakayan patungkol sa pagamyenda ng 1987 Constitution.

Kaugnay na rin ito sa pagsisimula ng pagdinig sa charter change (CHA-CHA) o ang Resolution of Both Houses No. 6 at ang imbestigasyon naman hinggil sa suhulan at pangangalap ng lagda sa pekeng People’s Initiative (PI).

Tiniyak ni Villanueva na ginagawa ng mga senador ang kanilang trabaho at ang sabay na pagsasagawa ng pagdinig at imbestigasyon ay mahalagang bahagi ng tungkulin ng Senado.


Ipinagmalaki ng senador na kaya nila sa Mataas na Kapulungan na pagsabayin ang pagdinig at hindi sila abala sa paggawa ng mga resolusyon ng pagsuporta sa Senate President o kaya ay kay Senator Imee Marcos.

Iginiit din ng mambabatas na ang Senado ay may tunay na isang salita dahil sa pagtupad nila sa pangako kay Pangulong Bongbong Marcos na aaralin at bubusisiin ng husto ang economic provisions ng Konstitusyon.

Nilinaw naman ni Villanueva ang usapin sa ceasefire sa pagitan ng Senado at Kamara at aniya ito ay patungkol lamang sa mga usapin na nakapaligid sa pekeng initiative pero hindi kasama rito ang mga matutuklasang iregularidad sa mga ginagawa nilang imbestigasyon.

Facebook Comments