Senador, tiniyak na walang nakalusot na katiwalian sa unprogrammed funds

Binigyang-diin ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na walang nakalusot na korapsyon sa ilalim ng inaprubahang Unprogrammed Appropriations (UA).

Ito’y matapos na aprubahan sa bicameral conference committee ang dagdag na P178.1-M sa unprogrammed funds ng 2026 national budget na aabot na sa P243.4-B.

Tinukoy ni Gatchalian na inalis na sa 2026 budget ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) na isang lump sum funds para sa government infrastructure at social services pero nagamit sa maanomalyang flood control projects.

Tiniyak ng senador na sa bagong anyo ng Unprogrammed Appropriations ay wala nang panggagalingan pa ng korapsyon.

Nilinaw naman ni Gatchalian ang pagkakaroon pa rin ng unprogrammed funds sa susunod na taon dahil sa mga foreign-assisted projects na mangangailangan ng counterpart funding mula sa gobyerno.

Dagdag pa sa mga items na nasa unprogrammed funds ay ang dagdag na pagpopondo sa AFP Modernization Program.

Facebook Comments