Aalamin muna ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pulso ng mga kapwa senador patungkol sa pagbibigay ng confidential at intelligence fund (CIF) sa mga civilian agencies.
Matatandaang ang mga civilian agencies na Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Foreign Affairs (DFA) ay tinanggalan ng Kamara ng CIF.
Ayon kay dela Rosa, kukunin muna niya ang pulso ng mga kasamahang mambabatas kung sila ba ay pabor na bigyan o hindi ng CIF ang mga civilian government agencies upang hindi naman masayang ang kanyang magiging aksyon.
Inihalimbawa ng mambabatas na kung ipipilit niyang ilaban ang pagkakaroon ng confidential fund tulad sa DepEd at ito ay hindi naman susuportahan ng mga kapwa senador ay para siyang lumalaban sa isang bagay na talo naman sa umpisa.
Paglilinaw ni dela Rosa, wala naman sa kanyang problema kung talagang tatanggalan ng confidential fund ang DepEd, iyon lamang ay nanghihinayang siya na magamit sana ang pondo laban sa recruitment sa mga kabataan sa CPP-NPA-NDF.
Sinabi ni dela Rosa na kung siya ang tatanungin, gusto sana niyang ibalik ang confidential fund sa DepEd pero magtatanong muna siya sa mayorya at kung sakaling ang umiral na sentimyento sa mga kasamahan ay huwag na ibalik ang CF ng ahensya ay hindi na niya ipipilit ito sa plenaryo.