Senador, tiwala sa pag-unlad ng Negros Island Region

Naniniwala si Senator Juan Miguel Zubiri na magdadala ng paglago at pagunlad sa Negros Island Region ang pagkakalagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Negros Island Region Act.

Ang NIR Act kung saan pinag-isa na ang Negros Oriental, Negros Occidental, at Siquijor ay isa sa mga prayoridad na panukalang batas ng Marcos administration.

Ayon kay Zubiri, na isa ring Negrense at mayakda at co-sponsor din ng batas sa Senado, matagal na nilang hinihintay na magkaroon ng sariling rehiyon kung saan ang mga government offices doon ay inaasahang mas magiging accessible na sa mga residente roon.


Kumpiyansa si Zubiri na sa ilalim ng batas ay mas makakahikayat ng maraming mamumuhunan sa rehiyon lalo’t ang pagsasanib ng mga lalawigan sa iisang administrative region ay nakatakdang magpahusay ng ease of doing business na magdadala ng mas maraming investments, trabaho at pag-unlad ng kanilang ekonomiya.

Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na bukod sa pagpapadali ng negosyo ay mapapabuti rin ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan at magkakaroon ng iisang police regional office at military command, gayundin din ng coordinated tourism development sa rehiyon.

Facebook Comments