Kumpyansa si Senator Francis Tolentino na mas maraming kababayan sa abroad ang mahihikayat na bumoto para sa 2025 midterm elections.
Ito ay kasunod na rin ng plano ng Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng pilot testing ng ‘internet voting’ para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Tolentino, ang paghahanap ng paraan para makaboto ang OFWs sa maginhawang paraan ay mas makakaengganyo sa mga ito na i-exercise ang kanilang karapatang makaboto at makapili ng nais na mga lider na magpapatakbo sa bansa.
Sinabi pa ni Tolentino, mas magiging demokratiko ang proseso ng halalan kung mas maraming kababayan sa ibayong dagat na absentee voters ang makikilahok sa pagboto sa eleksyon.
Noong nakaraang 2022 national election, sa 1.6 million registered overseas absentee voters, nasa 626,000 lamang ang nakaboto o katumbas ng 39 percent ng voter’s turnout.
Malaking tulong aniya ang bagong paraan na internet voting para sa mga Pilipino sa abroad lalo’t may ilang kababayan tayo na seafarers na hindi nakakaabot sa 30-day voting period dahil anim na buwan na nasa laot o sa karagatan.