
Mariing tinututulan ni Senator Pia Cayetano ang pagkakatalaga ng Pangulo kay Dave Gomez bilang Presidential Communications Office (PCO) Secretary.
Ayon kay Cayetano, nagbibigay ng maling mensahe sa publiko lalo na sa mga kabataan ang pagkakatalaga kay Gomez na kilalang may matagal na katungkulan sa tobacco industry.
Si Gomez ay nagtrabaho mula 2001 sa Philip Morris International Philippines at nagsilbing Director of Communications ng kompanya.
Ipinunto ni Sen. Pia na dapat ang mga katulad na high-level position ay may kalayaang sitahin ang mga industriyang nakasasama sa mga tao subalit paano nga naman aniya gagawin ito ni Gomez kung siya mismo ay galing sa industriyang kinukwestyon.
Giit ng mambabatas, sa siyam na taon na umupo siyang Chairman ng Senate Committee on Health and Demography at Chairman ng Blue Ribbon Committee, nakita niya na kung papaano nakokompromiso ang public health laws dahil sa mga personal na interes.
Paalala pa ni Cayetano, tungkulin nilang mga matataas na opisyal na pangalagaan ang mga susunod na henerasyon na magsisimula sa pagpapanatili sa mga institusyon na malayo mula sa impluwensya ng mga industriyang may dalang panganib sa mga kababayan.









