
Inaasahan ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang tuluyang pagwawakas ng karahasan at maraming taon ng labanan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.
Ito’y matapos bigyan ng awtorisasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang paggawad ng “safe conduct pass” sa mga dating rebelde na nais magbalik-loob sa pamahalaan para makapag-apply ng amnesty.
Ayon kay Estrada, ang hakbang na ito ay hindi lamang patunay sa pangako ng gobyerno na kapayapaan at pagkakasundo kundi isang makabuluhang pagpapakita ng awa at pag-asa para sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan ng mga indibidwal, ng mga pamilya, at ng bansa sa kabuuan.
Naniniwala ang mambabatas na magsisilbi itong matibay na pundasyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan, kasaganaan, at paglago ng ekonomiya.
Magbibigay aniya ito ng bagong buhay at bagong pag-asa para sa mga dating rebolusyonaryo at mga dating itinuturing na kalaban ng pamahalaan.