Senador, umaasang hindi maaalis sa listahan ng UNESCO Global Geopark ang Chocolate Hills

Umaasa si Senate Committee on Tourism Chairperson Nancy Binay na hindi maaalis sa listahan ang Chocolate Hills Natural Monument bilang UNESCO Global Geopark.

Noon lamang nakaraang taon ay kinilala ng UNESCO ang iconic na Chocolate Hills ng Bohol na unang Global Geopark ng bansa.

Magkagayunman, may mga pangamba na matanggal sa listahan ang Chocolate Hills bunsod na rin ng natuklasang pagtatayo ng mga imprastraktura tulad ng resort sa mismong paanan at pagitan ng mga burol.


Ayon kay Binay, umaasa siyang hindi mangyayari na maalis ang Chocolate Hills sa listahan ng UNESCO Global Geopark basta’t nakikita ng organisasyon na kumikilos naman ang pamahalaan para pigilan ang pagtatayo pa ng mga imprastraktura at magawan ng solusyon ang isyu.

Inihalimbawa ni Binay ang minsa’y naging problema sa San Agustin Church na idineklarang UNESCO World Heritage Site na kung saan hindi naman inalis sa listahan at binigyan naman ng panahon para makapagpaliwanag ang pamahalaan at binigyang pagkakataon din na maibalik sa dati ang lugar.

Naninindigan ang senadora na hindi ito mangyayari sa Chocolate Hills at malabo pa ito dahil matagal ang proseso sa pagtanggal sa listahan.

Facebook Comments