Umaasa si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na hindi kasama sa mapapalitan ang mga Undersecretaries ng Department of Education (DepEd) matapos ang ginawang pagbibitiw dito ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng ahensiya.
Ayon kay Gatchalian, ikinagulat niya ang pagbibitiw ni Vice President Duterte lalo’t marami nang naumpisahan at napagtulungan ang DepEd at ang EDCOM na kaniya namang pinamumunuan.
Sa kabila ng resignation ni VP Duterte ay umaasa ang mambabatas na mananatili sa mga posisyon ang mga Undersecretaries ng DepEd dahil marami na silang napagtulungan pagdating sa education sector ng bansa.
Sinabi ng senador na linggo-linggo ay nagkikita ang mga opisyal ng kagawaran at ang legislative body para maisaayos ang mga problema, serbisyo at sistema ng edukasyon sa bansa.