Senador, umaasang makikinig ang pangulo sa mga babala sa gagawing pag-aaral sa MIF Act

Umaasa si Senator Risa Hontiveros, na ang pag-aaral na gagawin sa Maharlika Investment Fund (MIF) Act ay simula ng pakikinig ng pangulo sa mga babala ukol dito.

Ayon kay Hontiveros, ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na suspindihin ang implementing rules and regulations (IRR) ng MIF Act ay magandang balita para sa lahat ng mga Pilipino at sa ating ekonomiya.

Sinabi ng senadora, na umaasa siyang ito ay magiging hudyat ng pakikinig ng presidente sa mga payo dahil marami sa mga probisyon ng MIF Act ay nangangailangan pa ng masusing pagsusuri na para sa kanya ay hindi basta-basta maisasaayos.


Malinaw aniya na minadali ang batas at hindi handa ang bansa na suportahan ang isang wealth fund.

Napatunayan lamang din na walang sapat na pondo ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank para ilagak sa MIF at nakaambang sa batas na mabawasan ang kakayahan ng mga nabanggit na bangko na makapagbigay ng tulong sa ating mga magsasaka, mangingisda at mga maliliit na negosyante.

Giit ni Hontiveros, dapat na manatiling suspendido ang implementasyon ng MIF Act hanggang maresolba ang kahinaan ng batas at hindi dapat maging pabaya rito ang gobyerno.

Facebook Comments