Senador, umapela na huwag maging mapanghusga sa mga Afghan nationals na tutulungan ng bansa

Umapela si Senator Sherwin Gatchalian na huwag munang maging “judgmental” o mapanghusga na terorista na agad ang mga Afghan nationals na pupunta at pansamantalang mananatili sa Pilipinas.

Ayon kay Gatchalian, hindi rin maganda na nahuhusgahan na natin agad ang mga Afghan special immigrants gayong hindi pa natin nalalaman ang detalye ng kanilang paghingi ng tulong sa Pilipinas.

Giit ng senador, hindi natin ugaling mga Pilipino ang agad na manghusga pero para mawala rin ang pangamba ng marami ay kailangang maisapubliko ang detalye ng kanilang pagpunta sa bansa.


Ilan sa mga nais mabigyang linaw ng senador na hindi kongkretong nasagot kamakailan sa pagdinig ng Senado ay kung bakit sa layo ng Pilipinas sa Middle East ay tayo pa ang napili na hingan ng tulong para sa temporary housing ng mga Afghans gayong may mga bansa na may presensya rin ng United State at mas malapit tulad sa Dubai, United Arab Emirates at ibang bansa sa gitnang silangang Asya dinala sana ang mga ito.

Dagdag pa aniya rito ay gaano sila katagal sa bansa, pinal na bilang ng mga Afghans na papasok sa Pilipinas, edukasyon ng mga anak ng mga immigrants, manghihimasok ba ang gobyerno sa pangangalaga sa kanila, at iba pa.

Punto pa ni Gatchalian, dapat lamang na maging bukas tayo sa pagtulong lalo na kung may bansang nangangailangan pero dapat ay ikunsidera muna ang mga nabanggit na isyu bago magdesisyon ang pangulo na tanggapin sa bansa ang mga Afghan nationals.

Facebook Comments