Umapela si Senator Grace Poe na pag-aralan muna ng Charter change (Cha-cha) proponents ang naipasang Public Service Act bago ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa ikalawang pagdinig ng subcommittee para sa Resolution of Both Houses No.6, iginiit ni Poe na binuksan sa kontrol ng mga dayuhan ang mga sektor tulad ng airport, railway, expressway at telecommunication na hindi nakokompromiso ang ating national security at hindi rin napagiiwanan ang mga lokal na negosyo sa bansa.
Tinukoy ni Poe na sa ilalim ng PSA ay pinapayagan ang full-foreign investments sa public utilities habang tinitiyak sa naturang batas na 60 percent pa rin ng mga public utilities tulad ng kuryente, tubig, petrolyo, paliparan, seaports at iba pa ay pag-aari at kontrolado pa rin ng mga Pilipino.
Ayon kay Poe, sa ilalim ng PSA kaakibat ng pagbubukas ng mga essential na serbisyo sa dayuhang pamumuhunan ay pinoprotektahan pa rin natin ang ating karapatan.
Inihalimbawa ng senadora ang pagpasok ng Starlink sa Pilipinas na ngayon ay nagbibigay ng signal sa mga unserved at underserved areas na hindi naaabot ng signal ng ating mga local telecom habang nagkaroon ulit ng United Airlines flight mula Pilipinas patungong Estados Unidos na hudyat ng paglakas ng ‘revenge travel’ matapos ang pandemya.