Kinalampag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang ehekutibo na gumawa na ng master plan para maresolba ang naranasang pagbaha sa Metro Manila at ilan pang lalawigan kasunod ng pananalasa ng Bagyong Egay.
Ipinunto ni Villanueva na ilang dekada na ang dumaan at sa kabila ng mga pinopondohang proyekto laban sa pagbaha ay lalo pang lumalala ang problema ng bansa sa mabilis na pagtaas ng tubig tuwing umuulan.
Tinukoy ni Villanueva ang inilaang P183 billion na pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways bukod pa sa mga alokasyon para sa Department of Environment and Natural Resouces (DENR) at iba pang ahensya.
Binigyang-diin ni Villanueva na kailangan na ngayon ng integrated flood management program kung saan pag-uugnayin ang mga proyekto kontra pagbaha sa mga lalawigan at gawing malinaw ang proseso ng pagpapakawala ng tubig sa mga dam.
Bukod dito, kailangan na rin aniya ng Department of Water na magsasaayos hindi lang sa suplay ng tubig sa bansa kundi sa pangangasiwa na rin ng mga dam.
Kinatigan naman ito ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na nagsabing ang mga pagbaha ay hindi lamang dulot ng ulan kundi bunsod na rin ng problema sa daraanan ng tubig na pakakawalan mula sa mga dam.
Nangako naman si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Revilla Jr., na agad nang itatakda sa susunod na linggo ang pagbusisi sa mga programa ng gobyerno na may kinalaman sa pagbaha.