Senador, umapela ng mahigpit na pagsunod sa “geohazard maps”

Umapela si Senator Nancy Binay na mahigpit na ipatupad sa mga lugar sa bansa ang “geohazard maps” ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology o DOST-PHIVOLCS.

Ito ang apela ng senadora kasunod na rin ng 7.8 magnitude na lindol sa Turkiye at Syria na ikinasawi ng mahigit 21,000 katao.

Ayon kay Binay, kailangan ng “political will” ng bawat LGUs para sa mahigpit na pagpapatupad ng bagong inilabas na mapa ng mga fault line upang mapaghandaan at maagapan ang posibleng malaking pinsala na maaaring iwan sakaling may malakas na lindol na yumanig sa bansa.


Giit ng senadora, kung natukoy na dadaanan ng fault-line ang isang lugar ay dapat na istriktong ipatupad ang “no built” o hindi pagtatayo ng mga gusali sa lugar o kaya naman ay may limitadong floors o palapag na itatakda na pwedeng itayo sa mga hazard na lugar.

Bukod dito, hinikayat din ni Binay ang regular na pagsusuri sa kaligtasan ng mga lumang gusali lalo na ang mga lumang tulay.

Sinabi pa ng mambabatas na batid naman na mas malaki ang posibilidad na mangyari ang pagyanig ng malakas na lindol lalo na’t matatagpuan ang Pilipinas sa “Pacific Ring of Fire” kaya ibayong paghahanda ang dapat na gawin dito ng buong bansa.

Facebook Comments