Iginiit ni Senator Chiz Escudero sa Department of Labor and Employment (DOLE) na huwag harangin ang anumang panukala na naglalayong maiangat ang kondisyon ng buhay ng mga manggagawa.
Ang reaksyon ng senador ay kasunod ng babala ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na oras na maipatupad ang wage hike ay magiging daan ito sa posibleng pagtaas pa sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Escudero, nagtataka siya kung bakit umaalma ang DOLE sa panukalang dagdag na ₱100 sa arawang minimum na sahod gayong dapat ay nakapanig ang ahensya sa mga manggagawa.
Aniya pa, dahil dito ay mas lalo lamang nabigyang katwiran ang panukala dahil walang ibang tumitingin sa mga manggagawa kundi lahat ay pabor palagi sa mga negosyo.
Kasabay nito ay nagpaalala si Escudero sa DOLE na ang pangunahing tungkulin ng ahensya ay unahin palagi ang kapakanan ng mga manggagawa sa bansa.