Hiniling ni Senator Robin Padilla sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas na tiyaking tumpak ang mga kritikal na impormasyon sa mga hinuhuling kriminal.
Ito ay matapos mapatunayan ng korte na biktima ng “mistaken identity” ang isang ipinakulong na nakatatatandang Muslim na kamakailan lang ay ipinagtanggol ni Padilla sa plenaryo ng Senado.
Kinasuhan ng frustrated murder at murder sa Taguig RTC si Mohammad Maca-Antal Said, 62 taong gulang pero ito ay pinawalang-sala at pinakawalan ng korte matapos mapatunayang biktima siya ng “mistaken identity” ng mga awtoridad na humuli sa kanya.
Giit ni Padilla, ang kaso ng mistaken identity ay hindi makatwiran, hindi makatarungan at hindi makatao.
Umaasa ang senador na hindi na rin mauulit o wala na sanang Pilipino ang matutulad sa kapalarang sinapit ni Tatay Mohammad upang maibalik ang buong tiwala ng publiko sa ating law enforcers.