Nanawagan si Senator Imee Marcos sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO) na bawiin ang “deadly deadline” ukol sa consolidation ng prangkisa sa ilalim ng PUV Modernization Program
Mababatid na hanggang Dec. 31, 2023 na lamang ang ibinigay na deadline para sa consolidation ng jeepney drivers at operators at kung hindi makakasunod sa PUV Modernization Program ay hindi na makabibiyahe ang mga ito sa kanilang ruta.
Apela ni Senator Marcos sa pamahalaan, maawa sana sa commuters, trabahador, estudyante at maliliit na negosyanteng umaasa sa pampasaherong jeep o public utility vehicle.
Punto pa ng senadora, sa hirap ng buhay ngayon ay hirap din talaga ang PUV operators na magbayad kahit pa itaas ang ibinibigay na subsidiya ng gobyerno ay kakarampot lamang ito sa P2.5 million na halaga ng bagong Euro 4 na PUV na pamalit sa lumang jeepneys.
Maliban pa rito, maliit lang ang kita ng operators at drivers sa mahal ng gasolina at hindi pa kayang masuportahan ng mga dealers ang suplay, serbisyo, at parts ng Euro 4 PUV.
Hiniling ni Sen. Marcos na pakinggan muna ng pamahalaan ang hinaing ng PUV operators, drayber at commuter.
Bukas ay malawakang transport strike ang sasalubong sa taumbayan hanggang sa pagpasok ng Bagong Taon kaya naman tiyak na apektado rito ang publiko.