Hiniling ni Senator JV Ejercito sa mga economic managers at sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na unahin muna ang pagpapababa sa premium contribution at tapusin muna ang lahat ng obligasyon sa mga members.
Ang suhestyon ng senador ay sa gitna na rin ng utos ng Department of Finance na isauli sa National Treasury ang sobrang P90 billion na health subsidy ng gobyerno upang magamit sa mga proyekto sa iba pang unprogrammed appropriations.
Ayon kay Ejercito, habang ongoing ang deliberasyon ng Senado para amyendahan ang Universal Health Care Act., makabubuti kung susupendihin muna ang pagtataas sa premium contribution sa 5 percent at ibalik muna ito sa 4 percent.
Sinabi pa ng senador na hindi masisisi ang Department of Finance (DOF) sa naging direktiba dahil nasa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) na maaaring gamitin ng ahensya para sa ibang proyekto ang mga sobrang pondo ng mga GOCCS.
Itinuturo naman ni Ejercito sa PhilHealth kung bakit ito agad nagdeklara ng sobrang pondo gayong wala pang improvement sa kanilang mga obligasyon at services.