Nanawagan si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa mga paaralan na huwag piliting pumasok ang mga batang estudyante tuwing napakainit ng panahon.
Partikular na umaapela si Gatchalian sa mga punong-guro dahil may ilang mga lugar sa bansa na pumapalo ang temperatura sa 44 hanggang 45 degrees Celsius.
Sinabi ng senador na kung ihahambing sa lagnat na nasa 37 degrees Celsius, lagpas pa sa lagnat ang nararamdaman ng mga estudyante kapag ang temperatura ay singtaas ng 44 hanggang 45 degrees.
Kaya naman apela ni Gatchalian, na kapag ganitong sitwasyon ay huwag nang pilitin ng mga paaralan na papasukin ang kanilang mga estudyante dahil posibleng ma-dehydrate o mag-collapse ang mga bata sa sobrang init.
Bukod dito, aminado rin ang mambabatas na 99 percent ng mga pampublikong paaralan ay walang aircon at kung may electric fan man hindi naman nito kakayanin ang mainit na singaw sa mga silid-aralan.