Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na ibalanse ang humanitarian considerations at ang implikasyon o magiging epekto sa national security ng balak na pagpapatuloy sa bansa ng mga Afghan refugees.
Pinatitiyak ni Go, na Vice Chairman ng Committee on Defense, ang kaligtasan ng mga Pilipino sa gitna na rin ng hiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na temporary housing para sa mga Afghan refugees habang inaayos ang kanilang visa bago makapasok ng US.
Ayon kay Go, hindi na bago ang ganitong pagkakaloob ng temporary shelter dahil noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay minsan na ring tinanggap at pinatuloy sa Clark, Pampanga ang mga refugees nang matapos ang gyera sa Afghanistan.
Sinabi ni Go na kung anumang napagkasunduan ng Pilipinas at US tungkol sa pansamantalang pagpapatira sa bansa ng mga Afghan special immigrants ay dapat ibalanse ito ng gobyerno at siguraduhing hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa at ng mga kababayan.
Mamayang hapon ay magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos kung saan aalamin kung bakit sa dami ng bansa na malapit sa Afghanistan ay dito pa sa Pilipinas napili ang relokasyon ng mga refugees at kung bakit palihim ang ginawang request na ito ng US.