Senador, umapela sa pangulo na tumulong na mangumbinsi para sa economic Cha-cha

Nanawagan si Senator Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tumulong sa pangungumbinsi sa mga mambabatas na suportahan ang economic Charter change (Cha-cha).

Kaugnay na rin ito sa pahayag ni Senator Cynthia Villar na mahihirapan ang liderato ng Senado na makakuha ng 18 boto pabor sa Resolution of Both Houses No.6 habang posibleng magkaroon naman ng sapat na pitong boto ang mga anti o tutol sa panukalang ito.

Aminado si Angara, Chairman ng Subcommittee on Constitutional Amendments, na napakalaking hamon ang magiging botohan sa RBH6 para mailusot sa Senado ang panukalang economic Cha-cha.


Kailangan aniyang magsama-sama ang pagsisikap ng liderato ng Senado at Kamara para mahikayat ang mga senador na bumoto pabor sa Cha-cha at kailangan na ring tumulong sa pangungumbinsi ang pangulo.

Paliwanag ni Angara, mas may bigat kung pangulo ang makikiusap o hihingi ng tulong para sa panukala kung ikukumpara sa kanya na siya lamang ang nakikiusap sa mga kasamahang senador.

Aniya pa, kailangan ding galingan ang pagdepensa, pagpapaliwanag at paglalatag ng mga isyu sa Cha-cha upang mas malaki ang tsansang maaprubahan ang constitutional amendments.

Facebook Comments