Patuloy na nananalig sina Senadora Pia Cayetano at isang grupo ng mga doktor na ibe-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal na Vape Bill bago ito opisyal na bumaba sa kanyang pwesto bukas, Hunyo 30.
Ayon kay Cayetano, matagal na niyang kilala si outgoing President Duterte bilang isang health at anti-tobacco advocate kung kaya’t umaasa ang senadora na poposisyon ito para protektahan ang kalusugan ng bayan sa pamamagitan ng pag-veto sa Vape Bill.
Sa panayam naman ng RMN, sinabi ni Dr. Ulysses Dorotheo na bagama’t sa huling saglit isinumite ng Kamara sa Malacanang ang enrolled copy ng Vape Bill, ay naniniwala pa rin siyang maaksyunan ito ng outgoing Chief Executive.
“Sa ating Pangulong Duterte, nananawagan po kami na i-veto po itong Vape Bill na naihain po ng Kongreso sa kanyang opisina na may dalawang araw na lang na natitira sa kanyang pagiging pangulo. Ito po sana ang kanyang maging ‘last act’ at ‘legacy’ para sa kalusugan ng bayan,” panawagan ni Dr. Dorotheo, na miyembro ng Committee on Legislation ng Philippine Medical Association (PMA).
Sinabi naman sa isang panayam sa RMN ni Dra. Rizalina Gonzalez, maituturing si Pangulong Duterte bilang No.1 anti-smoking advocate. Aniya, naging modelo ang Davao City dahil sa mahigpit na ‘no smoking’ ordinance nito, na ginawa namang E.O. 26 nang maupo sa Malacanang ang long-time mayor ng Davao City.
Dagdag ni Dra. Gonzalez, nilagdaan din ni Pangulong Duterte ang Sin Tax Law of 2020, habang maraming beses din itong nagpahayag ng pagtutol sa vapes at e-cigarettes – lalo na sa pagkahumaling dito ng mga kabataan.
“Last day, last 24 hours. Meron pa pong panahon para gawin ang pinaka-importanteng dapat sa ating mga kabataan: i-veto po ang Vape Bill,” ayon Dra. Gonzalez, na syang chairperson ng Tobacco Control Group ng Philippine Pediatrics Society.
“Ako po ay naniniwala sa iyong magandang hangarin na sa huling araw n’yo ay may magagawa pa kayong mabuti para sa lahat ng ating kabataan sa Pilipinas,” pagtatapos ng doktora.