Wednesday, March 4, 2026

Senadora, pinaiimbestigahan ang reserve energy at mitigation measures ng pamahalaan sakaling tumindi ang gulo sa Middle East

Pinaiimbestigahan ni Sen. Imee Marcos ang reserbang enerhiya at mitigation measures ng pamahalaan sa harap ng posibilidad ng “energy shock” sakaling lalo pang tumindi ang tensyon sa Middle East.

Sa Senate Resolution No. 333 na inihain ng senadora, binanggit ang Strait of Hormuz kung saan dumaraan ang tinatayang 20% ng suplay ng langis at 20% ng liquefied natural gas ng buong mundo. Ayon sa resolusyon, apektado ang rutang ito bunsod ng tinatawag na ngayong “Iran War.”

Nakapagtala na rin ng mabilis na paggalaw ang presyo ng crude oil mula Middle East patungong China, batay sa datos ng Baltic Exchange.

Bukod dito, naging target na rin umano ng mga pag-atake ang ilang energy infrastructure sa rehiyon, kabilang ang Ras Tanura oil refining facility ng Saudi Aramco, na isa sa pinakamalalaking oil refinery sa Gitnang Silangan.

Ibinabala sa resolusyon na malaking banta sa Pilipinas ang mga pangyayaring ito, lalo pa’t ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay may domino effect sa pamasahe, kuryente, pagkain, agricultural production, at iba pang serbisyo.

Kinalampag ni Sen. Marcos ang pamahalaan na agarang umaksyon matapos mabatid na wala pang dalawang buwan ang itinatagal ng reserbang langis ng bansa—malayo sa rekomendasyon ng International Energy Agency na dapat ay mayroong hindi bababa sa 90 araw na reserbang enerhiya.

Facebook Comments