Senate Blue Ribbon Committee, inirekomendang buwagin ang PS-DBM

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapabuwag sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa 197 pahinang committee report na pirmado ng 12 senador (11 Yes, 1-dissent), ay inirerekomenda ng mga senador na buwagin na ang PS-DBM kasabay ng pag-oobliga sa mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng sariling procurement.

Ilan lamang sa naging findings ng Blue Ribbon Committee rito ay ang malinaw na sabwatan ng Department of Education (DepEd) at ng PS-DBM dahil sa pagpabor sa ilang mga bidder at ang paghahanap nila ng oportunidad na maitaas ang presyo ng mga outdated na laptops.


Lumalabas pa sa imbestigasyon na ovepriced ng P979 million ang kontrata para sa pagbili ng mga laptop.

Bukod dito, ang outsourcing procurement na iniatang sa PS-DBM ay taliwas sa Government Procurement Reform Act dahil may kakayahan naman ang DepEd na makapag-procure o makabili ng sarili nitong gamit.

Dagdag pa sa rekomendasyon ang pag-amyenda sa Republic Act 9184 (Government Procurement Reform Act) para sa pagkakaroon ng transparency sa proseso at technical specs ng mga bibilhing kagamitan, serbisyo, at mga ipapatayong imprastraktura gayundin sa pagpasok sa mga joint venture na kasunduan.

Hinihimok din ng Blue Ribbon ang mga iba’t ibang sangay ng gobyerno, kabilang ang mga GOCC, State Universities and Colleges (SUCs), at mga lokal na pamahalaan, na magsagawa na lang ng sarili nilang proseso pagdating sa procurement imbes na iasa ito sa ibang ahensya.

Matatandaang dati pang nais ng mga senador na mabuwag na ang PS-DBM mula pa nang noong isyu sa procurement sa kompanyang Pharmally.

Facebook Comments