Senate Blue Ribbon Committee, walang garantiyang tutugon sa hirit na imbestigasyon kay COMELEC Chairman Bautista

Manila, Philippines – Aminado si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na nagdadalawang isip siyang tumugon sa hirit na imbestigahan ang mga akusasyon kay Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista.

Katwiran ni Gordon, si Bautista bilang COMELEC chairman ay isang constitutional official.

Ipinaliwanag ni Gordon na madodoble ang imbestigasyon kung magsasagawa ng pagdinig ng Senado at may maghahain ng impeachment complaint sa Kamara laban kay Bautista.


Punto ni Gordon, silang mga senador ang tatayong judge sa oras na umakyat sa Mataas na Kapulungan ang impeachment case kay Bautista kaya dapat ay maunang kumilos ang Kamara.

Bunsod nito ay plano ni Senator Gordon na kausapin muna si Senator Tito Sotto III na siyang naghain ng resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon sa mga kontrobersya laban kay Bautista na ibinunyag ng misis nitong si Patricia.

Naniniwala si Gordon, na bilang majority leader at chairman committee on rules ay mapag-aaralang mabuti ni Sotto kung ano ang nararapat na hakbang ng Senado kaugnay sa mga isyung ibinabato kay Bautista.

Facebook Comments