Inilatag ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ang bagong rule kung saan pinapayagan ang mga abogado ng mga resource persons na sagutin ang mga paratang o alegasyon kaugnay sa imbestigasyon sa biniling overpriced na laptops ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ayon kay BRC Chairman Senator Francis Tolentino, bukod sa pagbibigay ng payo sa kanilang mga kliyente ay binibigyan na sila ng otorisasyon na magsumite ng memorandum.
Ang memorandum o written statement ay naglalaman ng mga sagot ng kanilang mga kliyente laban sa mga alegasyon at mga naging pahayag sa pagdinig na hindi nasagot doon ng kanilang resource person.
Ang sagot ay dapat na pirmado ng abogado at ng resource person at kailangang ipadala sa komite sa loob ng 15 araw matapos ang pagdinig ng kumite.
Sa panayam kahapon, sinabi ni Tolentino na bibigyan na ng mas malaking papel ang mga abogado na tulungan ang kanilang mga kliyente dahil ang mga humaharap sa kanilang imbestigasyon ay pwedeng makasuhan, makulong at maaring masira ang reputasyon.