Tiniyak ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go ang suporta sa anumang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahing ibalik ang Dengvaxia vaccine kontra dengue.
Gayunman, nilinaw ni Go na tulad ng sinabi ng pangulo, dapat ay rekomendado ito ng mga eksperto na 100 porsyentong ligtas gamitin ng publiko.
Una rito ay hinamon ni Go na sinumang expert na magrerekomenda sa Dengvaxia ay manguna sa pagpapabakuna upang mawala ang agam-agam sa posibleng negatibong epekto nito.
Samantala, umaabot na sa 40 ang Malasakit Centers kung saan ang huli ay bunuksan ni Senator Go sa Valenzuela.
Ayon kay Go, ang Malasakit Center ay isang one-stop shop para sa agarang pagbibigay ng ayuda sa mga walang pambayad sa ospital para ipagamot ang kanilang karamdaman.
Sa Malasakit Center, ay matatagpuan ang mga helpdesk ng Philhealth, PCSO, PAGCOR, DOH, at DSWD.
Inihain din ni Go ang Senate Bill 199 na layuning magpatuloy pa rin ang Malasakit Center kahit matapos ang termino ni Pangulong Duterte.