Senate Committee on Public Services, handang imbestigahan ang trahedya na pagtaob ng pampasaherong bangka sa Binangonan, Rizal

Handa ang Senate Committee on Public Services na imbestigahan ang pagtaob ng pampasaherong bangka sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.

Ayon kay Senator Grace Poe, Chairman ng Public Services Committee, nakakagalit at nakakalungkot ang nangyaring insidente.

Pagbibigay diin ni Poe, dapat itong maimbestigahan ng Senado dahil hindi biro ang pagkawala ng ganoong karaming buhay nang dahil sa kapabayaan at posible na rin dahil sa katiwalian ng ilan.


Pagtitiyak ng senadora na papanagutin ang sinumang responsable sa trahedyang ito.

Bibigyang linaw sa imbestigasyon kung bakit pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang motorboat sa gitna ng malalakas na hangin at matinding buhos ng ulan.

Pagpapaliwanagin din ang PCG at ang may-ari ng bangka kung bakit hinayaang sobra sa kapasidad ng motorboat ang sakay na mga pasahero at bakit walang life vests ang mga ito.

Pinatitiyak ni Poe na masasampahan ng kaso ang responsable sa insidente at hindi lang basta relieve o tanggalin sa pwesto.

Posible ring imbitahan sa imbestigasyon ng Senado ang mga biktima ng mga nagdaang trahedya para malaman ang naging resulta ng kanilang mga kaso at kung nakatanggap ng kompensasyon o bayad-danyos ang mga pamilya ng mga biktima.

Facebook Comments