Tiniyak ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald Bato dela Rosa na maglalabas pa rin siya ng report kaugnay sa ginawa nilang serye ng mga pagdinig ukol sa e-sabong at pagkawala ng mga sabungero.
Gagawin ito ni Dela Rosa kahit ipinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng online sabong.
Sabi ni Dela Rosa, inihahanda na niya ang committee report at may ilang bahagi ang kailangan niyang baguhin matapos ang aksyon ng pangulo.
Nauna nang binanggit ni Dela Rosa na kabilang sa isusulong ng Komite ang mahigpit na regulasyon ng e-sabong at ang paglimita sa operasyon nito tuwing Linggo at holiday lang mula sa araw-araw at 24 oras nitong operasyon ngayon.
Plano ring irekomenda ng komite ang agad na suspensyon o kaya ay pagpapasara ng e-sabong operations ng isang kompanya kapag may nangyaring krimen.
Inaasahan ding igigiit ng Komite ang mungkahi ni Senator Francis Tolentino na patawan ng buwis ang panalo sa e-sabong at sa mga digital wallet kung saan dumadaan ang taya sa e-sabong.