Pinag-aaralan ng Senate Finance Committee kung saan maaaring humugot ng pondo para mapadagdagan ang calamity fund para sa taong 2021.
Ayon kay Senator Sonny Angara na Chairman ng naturang komite, maaari silang magsagawa ng realignment o pagtapyas sa budget ng ilang ahensya para ilipat sa calamity fund.
Tugon ito ni Angara sa daing ng mga lokal na pamahalaan na dinaanan ng Bagyong Rolly na kapos na ang kanilang calamity fund dahil nagamit ng pantugon sa COVID-19 pandemic at sa mga nagdaang bagyo.
Para sa 2021 ay 20-bilyong piso ang nakalaan sa calamity fund na nakalagak sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Bukod dito, ay mayroon ding quick response funds ang iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense, at National Electrification Administration (NEA).