
Nanindigan si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na mayroong hurisdiksyon ang impeachment court sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kabila ito ng naging sagot ni VP Sara sa summon ng impeachment court kung saan nakasaad na walang hurisdiksyon ang korte sa impeachment complaint laban sa kanya matapos na ibalik ang articles of impeachment sa Kamara.
Iginiit ni Escudero na malinaw na nakasaad sa kanilang ipinasang mosyon na nire-remand o ibinabalik ang articles of impeachment sa Kamara pero klaro rin na hindi dini-dismiss o tine-terminate ang kaso.
Samantala, sinabi ni Escudero na anumang mosyon ay posible sa impeachment court ito man ay “motion to dismiss” o motion to convict o acquit.
Wala aniyang probisyon sa Saligang Batas o rules sa impeachment court na bawal ang mga nabanggit na mosyon dahil collegial body ang korte at lahat naman ay dadaan sa botohan.









