
Wala pang aksyon na magagawa ang Senate Impeachment Court sa kabila ng pagsusumite ng Kamara ng pleading na nagpapatunay na walang nilabag sa Konstitusyon partikular sa one-year bar rule ng paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate impeachment court presiding officer Chiz Escudero, dalawa ang compliance na hinihingi ng korte mula sa Kamara at ang isa pa na dapat magawa ng Mababang Kapulungan ay makapagsumite ng pleading na patunay na gustong ipursige ng 20th Congress ang impeachment case laban sa bise presidente.
Bukod dito, ang kapangyarihan ng mga bumubuo ng prosekusyon ay matatapos na sa June 30 kaya naman kailangan ng panibagong otorisasyon para makapagsilbi ang bagong prosecution team sa susunod na Kongreso.
Inaasahang sa July 29 na o pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ay doon pa lamang makapagsisimulang magtrabaho ang Senado at Kamara tungkol sa impeachment case at dapat sa panahong ito ay mayroon nang panel ng mga prosecutor at nakasunod na sa korte ang Kamara para sa ikalawang compliance na hinihingi.
Gayunman, kung may kailangang pag-usapan o pagdebatehan ang mga senator judge ay maaari silang mag-convene “motu proprio” kahit wala ang prosekusyon at depensa.









