Senate Majority Leader Francis Tolentino, lumiham sa DFA para hilingin ang tulong ng ICRC tungkol sa mga isyu sa WPS

Nagpadala ng liham si Senate Majority Leader Francis Tolentino kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo para imungkahi sa ahensya ang paghingi na ng tulong sa International Committee of the Red Cross (ICRC) sa Geneva, Switzerland hinggil sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Sa liham ni Tolentino kay Manalo na may petsang June 18, 2024, tinukoy ng senador ang nagiging problema ng bansa sa resupply missions sa Ayungin Shoal na madalas na hinaharang ng China.

Kung matatandaan bukod sa panghaharang at pag-water cannon ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ay nagawa na ring kumpiskahin at itapon ng China ang mga pagkain na para sana sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.


Kaya naman inirerekomenda ng mambabatas sa DFA na hilingin na ang tulong ng ICRC sa ilalim ng Geneva Convention.

Sinabi ni Tolentino na maaaring i-facilitate ng ICRC ang humanitarian aid para sa mga tauhan ng Philippine Navy na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre upang maihatid ang mga kinakailangang suplay ng pagkain para sa mga sundalo.

Umaasa ang mambabatas na ikukunsidera ng DFA ang kanyang rekomendasyon para sa mga tauhang nagbabantay sa West Philippine Sea.

Facebook Comments