Manila, Philippines – Isinulong ng senate Minority bloc ang suporta ng buong senado sa hiling ni Senator Leila De Lima na makalabas sa PNP Custodial Center para makaboto sa mga importanteng lehislasyon sa senado.
Ito ang nakalapaloob sa senate resolution number 391 na inihain nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, at Risa Hontiveros.
Sa resolusyon ay ikinatwiran ng limang senador na hindi pa nahahatulan si De Lima kaya maari pa nitong magamit ang kaniyang political at civil rights.
Hindi rin anila dapat ipagkait kay delima ang kaniyang physical liberty lalo’t isa pa itong mambabatas.
Inihalimbawa din ng limang Minority senators’ ang pagpapahintulot ng Korte Suprema sa mga nakaditine ding sina Senators Bong Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na makadalo sa ilang family occasions o makalabas sa bilangguan kaugnay sa kanilang mga nagiging problema sa kalusugan.
Binanggit din sa resolusyon ang pagkakaloob ng Sandiganbayan ng pansamantalang kalayaan kay dating Senate President Juan Ponce Enrile dahil sa edad nito at kondisyon ng kalusugan.
DZXL558, Grace Mariano