Senate Minority Bloc, umaapela ng paglilinaw sa patakaran ukol sa NCR community quarantine

Naglabas ng joint statement sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senator Kiko Pangilinan, Senator Risa Hontiveros at Senator Leila de Lima na humihingi ng paglilinaw sa patakaran kaugnay sa community quarantine na ipapatupad sa buong National Capital Region.

Nais malinawan ng apat na senador kung paano magluluwas ng mga pagkain at iba pang suplay dito sa Metro Manila kung saan ida-divert ba o gagawing exempted sa quarantine measures ang mga barko o mga trak na kailangang maghatid nito.

Liwanagin ang estado ng travel ban patungo at buhat sa China sa harap ng mga reports na patuloy ang pagdating ng mga eroplano mula sa China habang pinapayagan umano sa Bacolod ang mga barko buhat sa China, Hongkong at Macau.


Dapat linawin ang travel restriction papasok at palabas ng Metro Manila dahil mayroong 4-million na nagtatrabaho sa Kamaynilaan na nakatira sa Laguna, Cavite, Rizal Bulacan at Pampanga at paano ang protocol kung gagawing exempted dito ang media.

Paano gagawin ang social distancing sa mga informal settlers at sa mga pasahero ng LRT, MRT, jeep, van, bus, trycile, angkas at iba pa.

Ano ang magiging proteksyon laban sa COVID-19 ng 40,000 pulis at sundalo na walang hazmat suit pero ide-deploy sa palibot ng Metro Manila para sa pagpapatupad ng community quarantine o lockdown.

Nasaan ang plano ng National Economic and Development Authority o NEDA para sa ekonomiya na tiyak apektado ng pandemic.

Dapat ilatag ang mga klarong hakbang sa pagtugon sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Tiniyak naman ng Senate Minority Bloc ang kanilang pakiki-isa sakaling may batas na kailanganing gawin para sa pagtugon sa COVID-19.

Facebook Comments