Handa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na tanggapin ang iniatang sa kanya ni Senate President Chiz Escudero na pangunahan ang motu proprio investigation tungkol sa drug war ng dating Duterte administration.
Inatasan ni Escudero si Pimentel na pangunahan ang subcommittee ng Blue Ribbon para siyasatin ang mga isyu sa drug war noong nakaraang administrasyon dahil abala na rin si Blue Ribbon Committee Chairperson Pia Cayetano para sa re-election dagdag pa ang katuwirang ang komite lamang ang may kapangyarihan na magsagawa ng motu proprio investigation habang naka-break ang sesyon.
Ayon kay Pimentel, tatanggapin niya ang bagong assignment na ibibigay sa kaniya ni SP Escudero.
Magkagayunman, hindi pa siya pormal na kinakausap tungkol dito ni Escudero at hindi pa nabubuo ang subcommittee.
Sinabi pa ni Pimentel na makikipagpulong siya sa kaniyang mga staff para pag-usapan ang subcommittee.
Nauna namang naghain ng Senate Resolution 1217 si Senator Christopher “Bong” Go para bigyang direktiba ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na silipin ang drug war habang balak sanang magdaos ng parallel investigation ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa parehong komite na isasabay sana sa imbestigasyon tungkol sa pagkakasangkot ng ilang government officials sa importasyon ng shabu sa magnetic lifters noong 2018.