Senate Minority Leader Tito Sotto III, lumiham na sa liderato ng Senado para hilingin ang agad na pagsasagawa ng mandatory random drug test sa mga empleyado ng Senado

Nagpadala ng liham si Senate Minority Leader Tito Sotto III kay Senate President Chiz Escudero para hilingin sa liderato ng Senado na magpatupad agad ng mandatory random drug test sa mga empleyado.

Kaugnay na rin ito sa kumalat na balita ng umano’y hinihinalang paggamit ng marijuana ng isang staff ng senador sa loob ng palikuran sa 5th floor ng Senado.

Sa liham, isinaad ni Sotto na nagpatupad siya ng mandatory random drug testing sa mga kawani ng Mataas na Kapulungan noong siya ang Senate President taong 2018.

Para mapanatili ang pagiging drug-free workplace ng Senado ay hiniling ng minority leader kay Escudero na magsagawa na agad ng mandatory random drug test salig na rin sa umiiral na polisiya.

Matitiyak ng hakbang na ito na ang moral, integridad, kakayahang tumugon, pagiging progresibo at paggalang ay naoobserbahan at nasusunod sa paglilingkod sa bayan.

Samantala, natanggap na ni Escudero ang liham ni Sotto at nagpapasalamat siya sa inisyatibo at concern ng kasamahan at tiniyak na aaksyunan agad ito.

Facebook Comments