Bago magtanghali ay nagpupulong ngayon sina Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez bago magtungo sa Malacañang mamayang hapon para sa lalagdaan naman na panukalang batas na Negros Island Region Act.
Ngayong alas-11 ng umaga nagsimula ang pulong na malapit lang din sa Palasyo.
Ayon kay Escudero, kasama rin sa kanilang pulong si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada at Senate Majority Leader Francis Tolentino at kanilang mga counterparts sa Kamara.
Pag-uusapan ng mga lider ng Senado at Kamara ang mga panukalang batas na mapagkakasunduan nila na bibigyang prayoridad sa pagpasok ng 3rd regular session ng 19th Congress.
Ang meeting ay bahagi ng paghahanda para sa isasagawang Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting sa June 25 kung saan pag-uusapan ang magiging legislative agenda sa pagbubukas ng sesyon sa huling linggo ng buwan ng Hulyo.