Senate President Chiz Escudero, dumipensa sa pagbibigay ng malalaking komite sa ilang senador; ilan pang chairmanship sa ilang komite sa Senado, inanunsyo na

Dumipensa si Senate President Chiz Escudero sa pagbibigay ng malalaking komite sa ilang bagong senador partikular na ang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta.
 
Itinanggi ni Escudero ang mga alegasyon na kaya ibinigay kay Marcoleta ang pagiging chairman sa Blue Ribbon ay para makuha ang suporta ng Duterte bloc sa Senado para sa kanyang Senate presidency.
 
Paliwanag ni Escudero, bagama’t baguhan sa Senado si Marcoleta ay hindi na ito baguhan sa mundo ng pulitika dahil nagsilbi na rin itong party-list representative at nakatrabaho na rin niya noon sa Mababang Kapulungan.
 
Ipinagtanggol din ng senador ang ilan pang nabigyan ng committee chairmanship tulad nina Senator Bam Aquino na chairman ng Basic Education at Kiko Pangilinan na chairman ng Agriculture, Food and Agrarian Reform na pinagbasehan ang kanilang adbokasiya.
 
Samantala, inanunsyo ng Senado ang karagdagang chairmanship na mamumuno sa mahahalagang committee para sa 20th Congress.
 
Kabilang sina Senator Loren Legarda para sa Culture and the Arts, Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa para sa Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation at Senator Migz Zubiri para sa Economic Affairs.
 
Hahawakan din ni Senator Mark Villar ang Government Corporations and Public Enterprises.
 
Electoral Reforms and People’s Participation naman kay Senator Ping Lacson at pamumunuan ulit ni Senator Risa Hontiveros ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Facebook Comments