
Walang balak si Senate President Chiz Escudero na impluwensyahan ang posibleng plano ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na magtago na lamang sakaling isyuhan na siya ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Mariing iginiit ni Escudero na hindi niya gagawing i-discourage para payuhan na huwag magtago sa mga otoridad dahil personal na desisyon ito ng senador.
Sinabi ni Escudero na hindi ito ang unang pagkakataon na may senador na nagkunsiderang magtago sa mga law enforcers.
Inihalimbawa nito ang ginawa noon ni dating Senator Panfilo Lacson na 14 na buwan na nagtago sa mga otoridad, hindi sa Senado kundi sa ibang bansa.
Ipinunto rin nito ang naging posisyon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na ang pagtatago ay desisyon ng isang indibidwal lalo na kung sa kanyang palagay at pakiramdam ay hindi pa niya nakakamit ang hustisya at hindi pa niya nauubos lahat ng legal remedies na available sa kanya dito sa Pilipinas.
Tiwala rin si Escudero na ang pasyang magtago ni Dela Rosa ay hindi repleksyon ng Senado lalo’t marami sa mga ibinabatong katanungan at isyu sa senador ay pawang speculative pa sa ngayon.